Congressman Gerry Cabochan
Si Gerardo Paulino Cabochan ay nahalal bilang kinatawan para sa pangalawang distrito ng Caloocan City noong 1987. Kasama siya sa Batasang Pambansa ng administrasyon ni Corazon C. Aquino, ang unang pangulo ng Pilipinas pagkaraan ng batas militar sa Pilipinas.
Sa Batasang Pambansa, si Gerry – palayaw ni Cabochan – ay naging sagisag ng kabutihan. Para sa ilan, siya ay ang “Conscience of the House”. Minsan, sa Question Hour ng kamara, hindi natiis ni Gerry ang pagdidikdik sa isang kagawad ng pamahalaan. Siya ay tumindig at pahiyaw na tinutulan ang ginagawa sa bisita, dahilan para isuspendi ng Speaker ang sesyon. Dahil sa kanyang magandang pangalan, si Gerry ay pinili bilang chairman ng lupon na nag-imbestiga sa kasong gunrunning ng isang kinatawan.
Ang kanyang pinakamagandang privilege speech sa Batasan ay isang pagbigay ng papuri at karangalan sa kasaysayan at paglilingkod ng mga pari ng Oblates of Mary Immaculate sa Pilipinas. Bilang kapitbahay ng simbahang pinamamahalaan ng OMI sa Caloocan City, nakilala ni Gerry nang husto ang mga pari at nakita niya ang malaking tulong nila sa mga Pilipino, lalo na sa mga nakatira sa Mindanao. Maraming bills at resolutions ang sinuportahan ni Gerry. Sa lahat ng iyan, ang pinakamakabuluhan para sa mga taga Caloocan ay ang Republic Act No. 7550 na nagtatag sa ika-16 ng Pebrero, taon-taon, bilang Caloocan City Day, isang special nonworking holiday sa Caloocan. Si Gerry at si Virgilio Robles ang co-authors ng Republic Act No. 7550.
Si Gerry ay isinilang sa Maynila noong ika-3 ng Oktubre, taong 1926. Ang kanyang ama ay si Justo Cabochan, isang kilalang tagapagtaguyod ng pakikibahagi at pakikiisa sa lipunan ng Pilipinas ng mga Tsinong dumayo o ipinanganak sa Pilipinas. Ang kanyang ina ay si Paula Paulino, tubong San Miguel, Bulacan.
Sa murang gulang na 12 taon, nakitaan na si Gerry ng hilig sa disiplina at matayog na kaisipan. Naging First Class Boyscout siya ng Maria Clara Boyscouts ng Sampaloc sa Maynila. Noong buwan ng Agosto, taong 1942, bunga ng pagsalakay ng mga Hapon sa Pilipinas, si Gerry ay binigyan ng rango na First Sergeant sa U.S. Armed Forces in the Far East ni Col. Bernard L. Anderson, ang personal representative sa Pilipinas ni General Douglas MacArthur. Nagsilbi si Gerry bilang personal secretary at interpreter ni Anderson sa underground movement sa mga bundok ng Sierra Madre. Sa taong 1944, itinaas ang rango ni Gerry sa First Lieutenant.
Nagpatuloy ang pagsali ni Gerry sa mga samahan pagbalik niya sa paaralan. Noong School Year 1947-1948, siya ay naging Cadet Colonel at pangulo ng High School Student Council ng Far Eastern University. Bukod dito, siya ay naging pangulo ng Federation of High School Student Councils in Manila. Pagdating sa kolehiyo, naging pangalawang pangulo si Gerry ng Central Board of Students ng Univeristy of Sto. Tomas at madalas siyang pinagsasalita sa UST Radio Station. Noong School Year 1948-1949 siya ay naging pangulo ng UST College of Liberal Arts Student Council.
Nagtapos ng Bachelor of Arts si Gerry sa UST noong 1952. Ang kanyang general average sa bar exams ay 85.95%. 98% ang marka niya sa International Law, 96% sa Commercial Law, at 94% sa Criminal Law. Bago pa man lumabas ang resulta ng bar exams, si Gerry ay kinuha ni Professor Jose Feria at dating senador na is Raul Manglapus bilang First Assistant sa kanilang law office. Sa taong 1961 si Gerry ay nagbukas ng kanyang sariling law office.
Si Gerry ay nanirahan sa Caloocan City, kasama ang kanyang maybahay na si Clarita Villacorta ng Baliuag, Bulacan. Ang kanilang mga anak ay si Jun, Ramon, Carling, at Celia. Noong panahon ng Hapon, si Gerry ay nagkaroon ng anak, si Eddy.
Sa Caloocan ipinagpatuloy ni Gerry ang kanyang pagsali sa mga samahan. Naging kauna-unahang pangulo siya ng Caloocan City, Malabon, Navotas Chapter ng Integrated Bar of the Philippines mula 1973 hanggang 1975; Minister Emeritus ng Our Lady of Grace Parish Church sa Grace Park; pangulo ng Lions Club; Vice-President ng Caloocan City Chamber of Commerce and Industry; Treasurer ng Caloocan City Police Trust Fund; Director, Caloocan City Red Cross; Chapter Commander ng Knights of Rizal; at miyembro ng Caloocan City Boyscouts Executive Council at Peace & Order Council. Dalawang beses si Gerry napili bilang Outstanding Citizen of Caloocan City.
Bukod sa mga nabanggit sa itaas, si Gerry ay naging pangulo ng Boyscouts Foundation of the Philippines; delegado sa 1979 Manila Synod ng Simabahang Catoliko; kasama sa aklat na ONE THOUSAND LEADERS ng patnugot na si Gen. Carlos P. Romulo; pangulo ng CVC Supermarket, Inc. sa Caloocan City; pangulo ng Philippine Association of Supermarkets, Inc. mula 1979 hanggang 1981; at director ng Rural Bank of Angat sa Bulacan.
Noong ika-3 ng Hulyo, taong 1991, sinulatan ni Gerry si Jun, ang panganay nila ni Clarita. Sa likod ng isang postcard, ito ang sinulat ni Gerry: “Ano ang aking magagawa? Huwag mo sabihin na ikaw ay iisa lamang. Bawat Filipino ay may katungkulang magtanim o mag-alaga ng punong kahoy o halaman. Bawat tao ay may katungkulang maging masipag at matiyaga. Bawat nilalang ay may katungkulang sumunod sa batas, sumamba sa Diyos, magmahal ng kapwa tulad sa sarili. Kapag ito ay iyong ginawa, uunlad ang ating bayan.”
Si Gerry ay nakilala ng marami bilang tunay na kaibigan, mapagkakatiwalaan, mababa ang loob, at madaling lapitan. Bihirang-bihira siyang magalit. Ang akala nga ng iba ay hindi siya marunong magalit. Matulungin siya. Kung pagmamasdan ang kanyang pagtulong, lalo na sa mga mahihirap, iisipin mo na ang salapi ay nilikha para ipamigay. Si Gerry ay sumakabilang buhay noong ika-31 ng Enero, taong 2014.


